Book ReviewParticular Grace Book Review ni Dario Luna
A Defense of God’s Sovereignty in Salvation, By Abraham Kuyper Reformed Free Publishing Association, © 2001 Grandville, Michigan Isinalin mula sa wikang Dutch ni Marvin Kamps
Buod ng Aklat
Ito ay aklat tungkol sa pagtatanggol sa limitadong pagtutubos ni Cristo at ng sovereignty ng Dios. Ang aklat na ito na pinamagatang “Particular Grace” ni Abraham Kuyper ay tungkol sa pagtatanggol sa Particular Grace o ang biyaya ng Dios na hindi para sa lahat ng tao kundi nakalaan lamang para sa Kanyang mga hinirang. Sa buong aklat ay ipinakita niya na ang “general grace” o ang biyaya ng Diyos na para sa lahat ay hindi itinuturo ng Biblia kundi katha lamang ng malikot na kaisipan ng tao. Ang aklat ay may apat na bahagi na may tig-sasampung kabanata. Sa unang bahagi ay ipinakita ng awtor na walang Cristo para sa lahat kundi Cristo para sa hinirang lamang. Sa ikalawang bahagi naman ay pinatunayan niya na ang doktrinang ito ay mapapatunayan sa Kasulatan, maging sa ating karansan at pati sa kasaysayan. Sa ikatlong bahagi naman ay ipinakita ni Kuyper na ang kaligtasan ay mula sa Dios at para sa Kanyang kaluwalhatian lamang. Ang tao nama’y sa halip na tanggapin ang biyaya ng Dios ay mariing tatanggihan ito kaya dahil sa ‘partikular’ na pagkilos ng Dios ay saka lamang maliligtas ang tao. Sa ika-apat na bahagi ay maingat na pag-aaral ng mga talata sa Biblia na wari’y may contradiction o conflict. Ginamit niya ang pamantayan ng mga Reformers na “Scripture must be interpreted by Scripture” at muli niyang ipinakita na ang mga talatang wari’y may contradiction kapag pinag-aralan sa liwanag ng buong Biblia ay nagtuturo ng particular grace at hindi ng general grace.
Dapat ding pansinin ng mga mambabasa ang footnotes ng nagsalin sa wikang ingles sapagkat ang mga kontrobersiyal na pahayag ni Kuyper ay binigyang linaw sa mga footnotes.
Mga Pagsusuri at Puna
Kapuna-puna na ang mga naniniwalang hangad ng Dios na iligtas ang lahat (generalists) ay naliligaw sa mga salitang “Lahat”, “Sanglibutan” at Sinoman”, na binabanggit sa Biblia. Binibigyan nila ng pakahulugan ang maraming talata (na inaakala nilang nagpapatunay na tama sila) na wala naman sa tama nilang konteksto. Kaya sa aklat na ito ay maingat na sinuri ni Kuyper ang tatlong pangunahing talata sa Biblia na nabibigyan ng maling pakahulugan. Ang mga talatang ito’y ang 1 Juan 2:2, 1 Timoteo 2:4, 2 Peter 3:9. Sa kanyang masusing pag-aaral ay ipinakita niya na ang mga salitang “Lahat”, “Sanglibutan” at “Sinoman” ay hindi tumutukoy sa lahat ng tao kundi ayon sa konteksto ay tumutukoy sa lahat ng mga hinirang ng Diyos.
Sinulat din ni Kuyper ang tungkol sa Profound (Total) Depravity ng tao, unconditional election, limited atonement, irresisitble grace at preservation of God – bagamang hindi ayon sa ganitong pagkakasunud-sunod kundi ikinalat niya sa iba’t ibang bahagi ng 40ng kabanata ng aklat.
Bunga ng kanyang pagtatanggol sa limited atonement nagawa ni Kuyper na akayin ang daandaang mangangaral upang yakapin ang Three Forms of Unity, ang Reformation at ang kanyang ‘peryodiko’ na tinangkilik ng maraming mambabasa sa kanyang bansa.
Ang pagnanasang maligtas at ang katiyakan ng kaligtasan ay palaging magkaakibat. “Kung hindi”, wika ni Kuyper, “ ay walang paghirang (election).” Ang paliwanag sa doktrina ng hindi maipahayag na biyaya ng Dios ay nag-uugat sa hindi malirip na awa ng Dios at ang lahat ng ito ay alang-alang sa kaluwalhatian ng Dios. Ang kasalanan ni Adan ay nagbunga ng pagkahulog ng buong kalawakan at ng kabuoang sistema ng mga bagay kabilang na ang sanlibutan mula sa kaluwalhatian nito.
Ayon kay Kuyper mayroong isa lamang biyaya sa panukala ng Diyos at ito’y ‘partikular’ na biyaya na nakatuon lamang sa ikaliligtas ng mga hinirang. At ang isang biyayang ito ay may dalawang gawa: ang una ay bagamang ito’y ipinapahayag sa lahat ng tao, ito naman ay sa ikapapahamak ng mga hindi hinirang. Ang ikalawang gawa ng biyaya ay ang pagkakaloob ng kakayahan at pananampalataya kaya nga ito’y matatawag ding ikalawang kapanganakan. Kaya nga ayon kay Kuyper ang lahat ng tao ay talagang naapektuhan ni Cristo at ng Kanyang kamatayan, ngunit huwag mo namang sasabihin na “Sa mga tao mayroon talagang napakasama at tatanggihan nila si Cristo, ngunit ang iba naman ay hindi naman gaanong masama kaya tinatanggap nila si Cristo.” Ayon kay Kuyper, ang dapat nating sabihin ay “lahat ay lubos na napakasama at lahat ay tinatanggihan si Cristo, at iyon lamang binuksan ng Dios ang puso ang mga tumanggap kay Cristo sa pamamagitan ng ‘patikular’ na biyaya.”(page 224). Matapos ang kanyang pagtatanggol sa nagtatanging biyaya (o particular grace), inamin ni Kuyper, “…hindi natin kailan man itinatago ang katotohanan na sa Banal na Kasulatan ang dalawang kaisipang ito ay naipapakita.” “Nananatili ang wari’y kontradiksyon, na hindi natin pinangangahasang solusyonan, sapagkat ang solusyong iyon ay nasa labas ng hangganan ng proseso ng ating pag-iisip sa mas dakilang pagkakatalaga ng kaluluwa sa kamalayan nito sa pakikipagkasundo sa Dios.”
Recommendation:
Sa pangkalahatan, ang aklat na ito ay matibay na nagtatanggol sa napakahalagang bahagi ng Ebanghelyo na ang biyaya ng Dios sa kaligtasan ay nakalaan lamang sa mga hinirang kaya nga aming inirerekomenda ang partikular na aklat na ito ni Abraham Kuyper na basahin ng mga naghahangad na tumibay sila sa kaalaman ng Ebanghelyo laban sa kabulaanan ng “Arminianism”, “Amyraldianism” at ng iba pang nagtuturo ng iba’t ibang anyo ng “universalism”
|